Main | August 2005 »

Monday, 11 July 2005

sadness and the gnd one

ngayong gabi lang, nagulat ako dahil nagtext ang pinsan ko:"please stop wasting your time and fooling yourself. do more things to help the poor and really serving the people. you're wasting your energies in just shouting and rallies. please bring back the ate i have known - studious and rational.it's about finding your purpose and obligation as a filipino citizen."

nalungkot ako, syempre. kasalanan ko rin naman kung bakit ganoon ang tingin nya. dati naman hindi. naaalala ko, niyayaya ko pa siyang umatak ng edsa noong 2001. high school pa siya noon. pero weakness ko pa rin kasing magpaliwanag, magdetalye.

nakakalungkot lang, iyong mga notions sa mga aktibista: rali ng rali, sigaw ng sigaw sa kalsada. okey na sana kasi totoo iyon e, pero ang dagdag pa: iyon lang ang ginagawa.

kaya nga busy ang mga bakti, kasi di lang pagrarali ang ginagawa nila. kaya naman nasasabi iyon dahil iyon lang ang nakikita. pero nag-aaral tayo kahit hindi lahat sa loob ng klasrum. hindi ba't sinabi rin minsan ng magulang natin sa ating di lahat sa eskwela natututunan? ang lipunan ba, ang mamamayan, katabi mo't kaklase lang? e 1 milyong kabataan nga ang di makapag-aral. saan mo sila makikita?

at may mga kongkretong nagagawa. nga lang, sabi ko, di pa talaga magawa lahat dahil pinansya ang kailangan mo doon e. at lalong di natin gustong mag-himod pwet sa mga multinationals na pumipiga ng bulsa at ugat ng taumbayan natin. isa pa, ang charity o social work, di lang magagawa within the framework of the government.

isa pa, fundamental ang mga usapin. di kasya ang isang kilong bigas na isinupot kasama ang isang latang sardinas o noodles. lalong di kasya kahit ang isang supot mo ng dugo. mamamatay din ang pasyente kung wala siyang pang-down sa ospital para masalinan ng dugo. kalam din ang sikmura kinabukasan pagkaubos ng kaning asin ang inulam.

bakit di natin tanungin kung bakit sila nagugutom? sabi ni kristo, wag mo lamang siyang bigyan ng isda, turuan mo siya kung paano mangisda. pero di ba pwedeng tanungin kung bakit marunong na nga silang mangisda, pero wala nang isda sa dagat dahil malalaking barko na ang kumuha?

ngayon, maligalig ang panahon. nakakairita ang mga nagkalat na tarpaulin streamers na nagsasabing "trabaho, hindi gulo" at "pamumulitika ang ugat ng pagtaas ng presyo ng langis." pero tinanong na ba natin kung bakit di pinipigilan ni gloria ang pagtaas ng langis, at nagpataw pa ito ng vat? nilalabanan ang krisis, o siya ang dahilan nito.

di lang standing by the constitution ang pagiging filipino citizen. dahil kapag ang gobyernong ito na mismo ang lumalabag sa konstitusyon, sa paggalang sa eleksyon at higit sa lahat, sa pagkilala sa buhay at karapatan ng mamamayan, sa tingin ko di ako magkakasya sa panonood lang. sa tingin ko, studious pa rin iyon.

at ang pakikialam para sa panlipunang pagbabago, ang pinakarasyunal na tungkulin ng bawat kabataan sa panahong ito.

*gnd- grim and determined, seryosong-seryoso sa isang bagay na pinagkakaabalahan o pinaniniwalaan.hardcore.

                            

Sunday, 10 July 2005

family day

sunday is family day, ika nga. araw ng pahinga, family bonding, special events, simba kasama ang pamilya.

pero isang buwan na rin, ang kasama kong pamilya, mga di ko kadugo ni karugtong ng bituka.

di pa kasi ako umuuwi sa tito ko, kaisa-isa kong immediate relative na nandito sa maynila. may tampo na rin siguro iyon, dahil di rin ako nagtetext ng regular (kasi globe siya e,nakaunlimited ako...tingnan mo nga naman ang gimik ng mga kumpanyang iyan).

ano ang ginagawa ko? pang-family day din naman - laba, luto, linis. nga lang, dito sa tinawag nang bahay ng maraming tulad namin. bahay naman talaga siya - may bubong, dingding at pinto, ilang bintana. may tv at washing machine pa nga. pero dito, hindi ang blood relations ang dahilan kung bakit kami sama-sama kundi pulitika.

sa sahig, nakasalampak ang dalawang kasama. tumitira ng streamer. sa dingding, may nakasabit din habang ang bumibira, nakatuntong sa pinagpatung-patong na monoblock. sa kusina, maaamoy mo na ang nilulutong hapunan. sa katunayan, ako ang laging nag-aassert dito ng family day. noong isang linggo, halimbawa, nagluto ako ng spaghetti. noong isa pa, nag-chicken curry.

pero mas madalas, ang laman ng plato, sapat lang sa bawat isa. pag pinalad, karne. kapag medyo taghirap, maraming gulay (ang iba't nahingi lang sa masa). kapag said, ilang itlog na scrambled para magkasya (kapag asensado, may cheese na kasama). pero kumakain ang lahat ng miyembro ng pamilya.

tulad ng normal na pamilya, nagtatalo rin minsan ang mga tao dito. minsan over dinner, o kaya bago matulog sa kwarto. pero madalas, sa regular na pulong o kaya sa pag-aaral. nagtatalo rin minsan sa kompyuter kapag maraming dapat ilabas na propaganda. pero saan nagkakasundo ang mga tao? pagpatak ng alas-8:30, nakapako na ang lahat ng mata sa encantadia.

kaya sino ang magsasabing ang pulitika, sumisira ng mga relasyon? e dito, ang pulitika ang nagbibigkis sa amin. kaya kahit puyat o pagod, nakakapagkwentuhan pa rin ang mga tao kapag uwian na sa bahay. ika nga ng isang dating kabahay, inihahanda lang naman kami dito sa bahay na walang dingding, pinto at bintana.

pero kahit kailan ka umuwi at tumuloy, may pamilyang tatanggap sa iyo.

dahil ang buhay mo, ay alay mo na sa kanila.

Wednesday, 06 July 2005

propaganda

it's about time na makapagpost ako sa blog na ito.dinelete ko na kasi iyong isa kong blog sa blogspot, kasi di naman ako regular na nagsusulat.noong una rin,di ko talaga matipuhan yung idea ng pagsusulat ng mala-journal online na ilalako mo sa mga tao.pero sa isang banda, ito ay venue para sa pagpapalitang kuro,talakayan at promotion ng mga events. sa madaling salita, propaganda. pag nabasa ito ng mga taong sensitibo sa salitang prop, tiyak magpapanting ang tainga nila (o malamang, di na nila itutuloy ang pagbabasa).

e lahat naman nagpopropaganda. ang propaganda, pagpapalaganap ng pahayag batay sa mga partikular o pangkalahatang interes. ang mga statement halimbawa ni press sec. bunye, propaganda.sa interes na makapanatili pa si gloria, kahit na very much obvious nang nagsisinungaling na,kesyo minority lang umano ang nananawagan ng pagbaba sa pwesto ni gloria. kesyo destabilizers ang mga sumisigaw ng "oust!"

para pabulaanan ito, ay propaganda rin. papayag ba naman ang matagal nang naghihirap na mamamayang sabihing suportado pa rin nila si gloria? kayo na ang makakasagot.

ang aktibista,kahit saan mo dalhin,parang munggo -- magpupunla talaga iyan dahil alam niyang dapat.kaya kahit ganitong mga venue, pinapatos. baka sabihin naman nila, kj. pero di uy. wala nang mas kasiya-siya kundi sa paglilingkod sa sambayanan at pagpapahalaga ng buhay sa pamamagitan ng pag-aalay ng sariling buhay. :)

buong araw na rin akong nakaharap sa pc.nagkaroon lang ng pagkakataon kaninang maglakad-lakad ng kaunti sa mall dahil sa errands din naman. nakita ko ang isang highschool friend sa isang shop.di ko rin talaga inaasahan,dahil nasa bayan naman namin silang lahat.

nakakatawa.nang sinabi kong nasa people's org ako ngayon,ang sabi lang niya, "kinarir mo na talaga ha..." paulit-ulit,hanggang sa umalis kami.ang nasabi ko lang, kailangan e. ewan ko't di na ko nagpalawig. marahil,malabong sagot iyon. marahil, maaaring karugtong noon ay kung bakit ba ako nandito, at paano ako mabubuhay. anong kinabukasan ko dito?

pero nakangiti pa rin akong umalis. karir naman talaga ang pagiging bakti. lifetime career nga at di ka kailanman masisisante. pwede mong sisantehin ang sarili mo,pero natitiyak ko,babalik at babalik ka.

hanggang may pagsasamantala,hanggang nariyan si gloria...kahit madalas gutom at walang pera (romantisismo not intended),tuluy-tuloy lang sa pakikibaka.

at di lang iyan propaganda.