pagod na pagod ako paggising kaninang umaga. nanaginip kasi ako na naroon ako sa aking pinagtapusang high school, iyong "eskwelahang non-sectarian na nakapangalan kay sto. nino, at kapag umulan, bumabaha ng lampas-tao dahil malapit sa ilog." cultural night daw para sa buwan daw ng wika ('sakto, august ngayon) at ako ay kauuwi lamang ala alumni na nag-"homecoming." naroon lahat ang kaklase ko, pero naroon din ang ilang mga kasama't kaibigan sa kasalukuyan. magpeperform kami ng isang play.
may mga hindi pumapansin (nagtatampo yata dahil wala silang naririnig sa akin after all these years), may mga sumalubong din. nandoon ang valedictorian naming inaaway ko kung bakit hindi kami nagkita sa may ust sa araw ng isang mob. ang mga tibak sa eksena? ayun, command ng jeep na tagahakot ng gamit at may floor director din. ako? tagabitbit ng mga flag ng youth dare (ayaw akong lubayan ng mga prop na ito,haha!). ang isa din, pang-space filler sa program, nagsalita tungkol sa pangangailangang magbitiw ni gloria.
basta, to make the story short, sala-salabid ang istorya. paggising ko tumingin ako sa paligid. high school pa rin ba ako, o kolehiyo na? nakita ko ang sticker sa pintuan. patalsikin si gloria. hay, 2005 na pala (at nandito pa rin si gloria, grrr!). tinext ko iyong valedictorian ng batch namin at kinuwento ang panaginip. natawa siya, nagpaparamdam lang daw sila. saka ko na lang nalaman (as in ngayon lang) na ilan sa mga ka-batch namin ay nasa yugto na ng buhay pagpapamilya. may nangangarap nang magkaanak, may kapapanganak, mayroon na ring magbibinyag ng anak (wala pa naman yatang magpapaaral, hehe).
di na ako nagulat masyado, parang expected na iyon (pero bakit kapag nag-uupdate, ang pag-aasawa agad ang nauuna? hindi lang naman pagpapamilya ang pwede nating career hindi ba?). putting that slightly-evil-but-true question aside, ang malinaw sa akin ngayon, gumuguhit na ang landas na tinatahak ng mga ka-batch. may malapit nang maging propesyunal, nasa ibang bansa, mayroon ding nasa call center. kung minsan, mapag-uusapan namin ng nanay ko ang maraming "sana" kaugnay ng career, gayundin ang iba pang miyembro ng pamilya. siyempre ang kasunod na tanong noon, "magkano ang kinikita mo?" o kaya "makikita ka na ba namin sa tv pag naging reporter ka?"
sa ikalawang tanong, well, ilang beses na nila akong nakita sa tv. hindi nga lang ako ang nagbabalita kundi ako/kami ang laman ng balita. at sa nauna, oo may career ako, pero hindi kumikita nang malaki. ang katotohanan, walang kita dito. siguro kung sasabihin ko iyon nang harapan, maaaring papasok na ang sala-salabid pang mga tanong, tulad ng bakit, paano (ka?), saan (ka pupunta?).
sa batch namin, ako itong laging sinasabi ng isang kaklase na "the one who chose the road less travelled." pero dito sa kinalalagyan ko ngayon, marami kami. at patuloy na dumarami. kung tutuusin, hindi naman talaga ito ang "road less travelled." this should be the road travelled by.
pero dama ko iyong ibig sabihin niya noong mga taong tumutuntong sa 18 ang edad ng mga ka-batch namin, isa ako sa mga tampulan nila ng biro. maliban sa di naman ako nag-debut, hindi ko rin lang sinasagot ang tanong na "kumusta ka?" ng mga kuwentong personal. noon, sa gitna ng mga long gown, 18 roses at candles at birthday wishes, nagkukwento ako kung paano nagtalakay sa kapwa estudyante ng pagkaltas ng budget sa edukasyon, ng welga ng mga manggagawa sa SM, kung bakit kailangang kumilos sa oil depot sa Pandacan nang magtaas ang presyo ng langis, paano kinausap ang mga pulis na huwag idispers ang hanay pero di nakuntento't binomba pa kami ng tubig sa US embassy, paano nakatulak ng Mendiola tagaktak man ang pawis at naghahabol ng hininga.
pero minsan, bago pa ako makapagsimula, sasabihin nila "tara na! ayan na naman ang mahahabang kwento ni giba!" pero alam nyo ba, marami pa sila...marami pa silang kwentong ni hindi pa natin narinig sa buong buhay natin. never in our high school years. mayroon pang tigib ng dugo tulad ng mga magsasaka sa hacienda luisita, sa mga pinapaslang na aktibista saan mang dako, at sa isang digmang puno ng mga buhay na kwento ng career sa gitna ng pakikibaka.
batchmates, see you na lang siguro sa anumang get-together sa hinaharap. pero tulad ng dati, di ko alam kung makakapunta ako. basta, update ko kayo. may malalaking pagkilos sa mga susunod na linggo. abangan nyo ko sa tv. aabangan ko rin kayo ulit, sa panaginip, at sa pagtatagpo natin kasama ng masang api.
Recent Comments