anibersaryo
*pang-setyembre po talaga ang post na ito, nadelay lang dahil alam nyo na,walang pang-15 per hour internet sa labas.paralisado rin kasi ang dial-up sa opisina,walang telepono at sa kasamaang palad, hanggang ngayon...wala pa ring bahay.salamat sa paghihintay.
after all,this is all about history and anniversaries.we are asked to remember not to forget.
september 9, 2003. nagbabasa ako ng logbook ng anakbayan sa up noong isang araw. oo nga pala, dalawang taon na ang nakakaraan mula nang kumilos ang mga estudyante ng up sa senado vs senate bill 2587. batas ito na magbabago ng up charter. mariing tinutulan ng iba't ibang sektor ng up community dahil papatindihin lamang nito ang komersyalisasyon ng edukasyon sa up.bagamat tinutunggali ang posisyon ng mga nananawagan ng pagbabasura nito (habang binabansagan kaming mga old-fashioned,dogmatic,prehistoric at iba pa),malinaw sa mga sumunod na panahong ang direksyon ng panukalang batas na ito -- mas mababang budget, pagbebenta ng talino, mas matinding komersyalisasyon, at pagtalikod ng gobyerno ayon sa mga dikta ng globalisasyon.
sa junk sb 2587 campaign na ito ako unang nahuli, haha, sa mahabang panahon ko ng pagiging tibak. paano ako nakalaya? binungangaan ko iyong mga senate guards, naturete sila. pinalabas ako in a matter of minutes.hihihi.
marami pang eksena kaugnay ng mga pagkilos sa senate na ito. bugbugan portion, hulihan portion (na ang mga nahuli ay kumain pa ng chickenjoy habang nasa mobile...mga walanghiya! biro lang), at ang maraming debate sa loob at labas ng senado.
september 11, 2001.anniversary ng lfs.pero nang gabing iyon,inatake ang world trade center.ang atake na maglulunsad ng mas marami pang atake na magdudulot ng pinsala sa milyun-milyong mamamayan ng mundo.dapat daw kasing labanan ang terorismo, anang us. ngayon, tumatangis ang maraming bayan. ang mga terorista ba o kami ang inyong target? o baka, kayo nga ang mga terorista?
september 16, 1991. malungkot ang lola ko dahil mawawalan na raw ng trabaho ang mga taga-gapo. pero masaya rin siya kasi mababawasan na ang mga prostitutes at di na kami mababansagang malalandi kasi mga babae kaming taga-gapo. umalis ang base militar. naaalala ko pa iyong laksa-laksang nagrali papunta sa amin. walong taon lang ako noon. sabi lang ng mayor noon, umasa tayo sa sarili nating lakas blah blah. nag-promote sila ng volunteerism kasama pa ang marami na nilang slogans tulad ng "aim high olongapo!" at "boss:bawat oras sama-sama."
high school at lalo sa kolehiyo ko na maiintindihan bakit kailangan nilang umalis. at sa kabila rin ng maraming px goods na pinamimigay ng mga kamag-anak namin,pati na mga libreng bolpen at chocolate bars, there's really no good sa ipinakilala nila sa aming american life.
september 21, 1972. di ko naabutan ang panahong ito. pero paminsan-minsan, maaalala kong ikinukwento sa akin ng nanay ko noong bata ako kung paanong pinagbisikleta sa buong luneta ang isang komentarista sa radyo dahil sa pahayag niyang "sa ikauunlad ng bayan, bisikleta (disiplina) ang kailangan." sa mas marami pang kwento ng henerasyong iyon, ang mas marami pang tala ng kawalang katarungan.
at alam kong ngayon, hindi ko na kailangang mag-back to the past para lang maramdaman kung paano nga bang maging kabataan sa panahon ng martial law.
september 22, 2005. kinabukasan lang, pagkatapos ng araw ng paggunita at pagkilos, pinatay si ka fort,magiting na lider-manggagawa ng nestle. dalawang beses akong nakatanggap ng text message, gabi ng araw ng araw na ito. nagsisisi ako kung bakit di ko siya nakilala nang personal. pero sumumpa ako mula noon, na di na kailanman magpupuslit ng pagkain ng anumang produkto ng dambuhalang multinasyunal na ito. isang buhay na naman ang kinitil.
at sa mga sumunod na araw, nasundan pa. tiyak, di tayo mauubusan ng mga parangal na dadaluhan, ng mga dadalawin sa ospital. di tayo mauubusan ng ititirik na kandila para sa mga martir ng sambayanan.
pero isang bagay din ang tiyak: di tayo makakalimot. at ang pag-aalala sa mga kinitil nating karapatan, ay may kaakibat na pagkilos at pag-aaklas. ngayong setyembre man o sa iba pang buwan ng ating buhay.

Comments