« post na hindi post | Main | 15 per hour »

Wednesday, 09 November 2005

gapo

isang linggo na rin yata mula nang mapabalita ang gang rape ng 6 na US servicemen sa isang Pilipina. paalis naman ako noon sa amin, sa gapo. nang marinig ko ang pakikipagtalo ng isang lider kababaihan ng gabriela sa isang amerikano, lalo akong nagalit. "she's a prostitute. she's a filipina."

noong bata ako, lagi akong sinasabihan ng lola ko na huwag magme-make up at huwag magsusuot nang "mahalay." galing pa naman daw akong olongapo, baka mapagkamalan akong hostess. noon ding mga panahong iyon, pagpapala pa ang pananatili ng mga amerikano dahil ang mga taga-gapo, may trabaho kapag nariyan sila. pero kung paano nila pagsamantalahan ang ating lakas-paggawa, ganoon din nila pagsamantalahan ang ating kababaihan.

nang araw ding iyon, nagtatalo pa kami ng nanay. sabi ko, napaka-walanghiya ng mga sundalong iyan! sabi naman ng nanay ko, di rin daw sila masisisi. bakit siya sumama? bakit siya mag-isa? nasa bar pa naman sila, mapagkakamalan talaga siyang prostitute. mapapaisip ka talaga, kung ganoon mag-isip kahit ang mismong mga babae, ano na lang ang sa mga lalaki? mas mababa pa marahil sa hayop ang tingin nila sa kababaihan kaya maaaring paglaruan na lang at itapon pag di na kailangan.

malaon naman, nagkasundo pa rin kami ng nanay ko sa argumento. at kapag pinag-usapan ang usapin ng kababaihan, hindi lamang kasarian ang dapat pagtalunan. bakit nga ba maraming hostess sa olongapo? at bakit kahit ngayong wala nang base militar sa pilipinas, may mga buhay pa ring lugar na parausan ng mga sundalo? bakit may mga dayuhang sundalo sa pilipinas? nasaan ang digmaan?

sa gapo, may isang kalsadang tinatawag na magsaysay drive. ito ang "red light district" dati noong panahon ng bases. ngayon, ang marami na dito'y mga tugtugang pang-kabataan (jamming ba tawag doon? manang kasi e,haha), dito din ginaganap ang oktoberfest/mardi gras. pero mayroon pa ring mangilan-ngilang mga night club, lalo na kapag may mga dumarating na barko para sa military exercises.

malaki na rin ang pinagbago ng lugar, mas friendly na ang magsaysay drive (ibig sabihin, hindi na ito palengke ng mga pilipinang ginagawang "parausan"). kahit ang gapo, malaki na rin ang ipinagbago (pero siyempre, di pa rin naman hiwalay sa krisis na dinaranas natin ngayon at sa mayorya ng mamamayan).

pero pangmulat ng mata ang naganap na insidente. ibig sabihin, kahit paulit-ulit pang sabihin sa atin ng lipunang "liberal na ang lipunang pilipino, nakukuha na ng mga babae ang gusto nila!" may katotohanan pa ring mayroon at mayroong nilalapastangan dahil siya'y babae, siya'y pilipino, at siya'y uring pinagsasamantalahan.

kaya magdalawang-isip muna, kapag sinabing malaya na ang kababaihan dahil may nagiging presidente nga ng pilipinas.

                            

Comments

giba, like talaga kita magsulat. looking forward to more posts... musta naman ang lovelife? hehe!

Post a comment

Post a comment

Name:

You are currently signed in as .