"kayo na naman?"
ang mga vendor iyon sa trabajo, nakita na naman kaming tatlong magkakabahay. isang gabi iyon muli ng adventure ng pagbagtas sa mga kalsadang kinalalagyan ng trabajo market, pagbitbit ng mga sako at plastic bag, at matapang na pangangalkal ng mga tumpok (o bundok, sa ilang pagkakataon) ng basura para maghanap ng gulay.
opo, namumulot kami ng gulay. pagpatak ng alas-7 ng gabi, magyayaan na kami ni marco at gly (at kalaunan, ni kiko) para pumunta ng trabajo market. bitbit ang kani-kaniyang plastic bag, kakalkalin namin ang mga bagong tapong gulay ng mga vendor para maghanap ng matino pang gulay.
at marami kaming nakikitang matino pa talaga, iba-iba: noong unang araw, upo lang at okra. kalaunan, nakakita na kami ng (maraming) patola, talong, patatas, carrot, sili, ampalaya at maging kamatis, mangga, dalanghita at saging na saba. karamihan ay mga may kaunting sira lang na dahil di na maitinda ay itinatapon na lang.ang ilan naman ay may kaunting sira, o kaya'y magulang na.
sa katunayan, hindi ko ito ngayon lang natutunan, sa maynila at sa panahong ito na napakataas ng presyo ng mga bilihin. nasa teenage years pa yata ako noon, na sa tuwing kasama ko si oya sa palengke, biglang yuyuko iyan para pumulot ng gulay na nahulog sa daan o itinapon na nga. dati, humahakot pa nga kami ng isang sako ring saging, na bigay naman ng kanyang suki dahil masisira lang kapag pinatagal pa hanggang kinabukasan.
kaya noong isang linggo, laking tipid namin sa araw-araw na paggugulay. may bigas na, at sahog na lang ang trobol (madalas sardinas naman). vegetarian kami sa loob ng isang linggo. wala namang nagkasakit dahil madumi o sira, dahil dumadaan sa ika nga nami'y "quality control" ang mga pulot na prutas at gulay. aba'y pag-uwi nga namin, huhugasan, sasabunin at huhugasan muna namin ng ilang beses bago ilagay ang mga pinulot sa aming opisyal na vegetable rack.
kapag namumulot kami, may mga nakakasabay kaming mga maralita ng komunidad. kaya nga noong kinakarir na namin ang pamumulot, na sunud-sunod na araw na kaming tambay ng trabajo, may mga vendors na hindi naniniwala sa aming kakainin namin ito pag-uwi. akala nila, ipapakain sa rabbit o baboy. tinitingnan nila kami mula ulo hanggang paa.
pero tulad din ng walang kahiya-hiyang pagsasabi na wala akong pera pang-internet, wala din kami minsan (o madalas?) kahit pangkain. kahit makita pa nilang maganda ang telepono kong bigay lang din.isipin natin, bago o nakakahiya pa ba na tayo'y walang makain? hindi ba 75 porsyento ng lipunan natin, nililinang ang lupa pero nagdidildil ng asin? hindi ba 15 porsyento naman ng populasyon natin, nagtatayo ng pagkatataas na building pero walang masilungan o kaya'y squatter sa sariling bayan? kailan ba ligtas ang mga tulad nating kahit nakapag-aral, ay walang kasiguruhan ang kinabukasan?
isang araw noong nakaraang linggo din, nagtext sa akin si roksi at sabi niya: "mami, ang hirap na
talaga. nandito ako sa bahay ngayon, wala na talaga akong makain." sa pinakajologs na pamamaraan, sinagot ko
siya:"kung wala ka nang makain,mamulot ka ng gulay sa philcoa. tulad ng
ginagawa namin sa trabajo."
at tulad ng ginagawa ng marami pa, na tiyak ay mas hikahos pa sa atin, para mabuhay lamang sa isang bayang mayaman sa likas na yaman...ngunit naghihirap at lalo pang naghihirap.
Recent Comments