mula sa isang wowowee "fan"
"Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita." - teo s. marasigan
"ma, nood kayo balita sa 7. may presscon ang fact finding team sa stampede sa ultra. pinapaikot-ikot nila ang media, di nila maituro kung sino talaga ang maysala sa trahedya!" text ko iyan sa nanay ko, kahapon ng umaga. ilang rin ang nakalipas, patuloy pa rin akong binabagabag ng nangyari sa ultra. personal, dahil sabihin mang cheapness, "wowowee fans" kami sa bahay. sisimulan naming i-on ang tv sa game k n b, at dire-diretso na ito hanggang sa kumanta si willie revillame ng "sa luzon, sa visayas, at sa mindanao..."
hindi naman kami sumasali sa mga contest. sa katunayan, sa buong duration ng mga naturang programa, lalo na ng wowowee, napakarami rin naming puna sa mga bagay na nakakainis talaga - iyong pagpapasayaw at pagpapakanta sa mga contestant kahit alam ng lahat - at ng contestant mismo - na mukha na silang tanga. iyong pag-abot ng mga TFC subscribers ng dolyar na iaanunsyong ibibigay umano sa mahihirap na kababayan (kapalit ng ilang minutong pagbati), at lalo na iyong mga babaeng itinataas ang buong binti para idisplay ang kanilang mga singit sa ikatutuwa ng live audience.
pero bakit pa kami nanonood? nagkakasundo kaming lahat sa iisang dahilan - gusto naming makita iyong mga contestant na kapana-panabik araw-araw -- mga fishball vendor, katulong, probinsyano, magsasaka, basurero, bumbero, mga batang grade 1 hanggang grade 6, mga waiter, fast food crew, tindera sa palengke. nakikita natin sila araw-araw, pero iba iyong ika nga ni willie, "sila ang bida." dito, binibigyan pa sila ng pagkakataong magkwento ng buhay nila, bumati sa kamag-anak sa probinsya, at maglabas ng kanilang saloobin, higit sa lahat, isiwalat na kapos talaga sila sa pera at kabuhayan. kailangan pa nilang bayaran ang inutang nilang pamasahe para lang makarating ng studio mula sa malayong probinsya, kaya malaking tulong na ilang dolyar na iaambon sa kanila.
patok naman talaga kung iisipin mong mula sa mekanikal na buhay araw-araw ng pangangalkal ng basura, ng paglalaba at pagtitinda sa bangketa para mabuhay -- haharap ka sa tv, makikita sa studio ang ilang mga artista, at may mas malaking premyo pa kaysa kinikita sa araw-araw. kaya mukha ngang masaya, kasi umuulan ng pera sa pakiwari nila at ng manonood. masaya, sumisigaw at tumatawa ang lahat. may manaka-nakang pagtulo ng luha ng mga contestant. ilang linggo matapos silang manalo, itatampok ang paano nabago ang buhay nila ng pagsali sa game show. "salamat sa abs-cbn, salamat sa tfc subscribers, salamat kay willie" ang tanging masasabi ng contestant. nakakaantig ng damdamin. tumatagos sa puso. may nagagawang pagtulong, may nababagong buhay.
kaya kung nanonood ka talaga ng wowowee, o kahit nahahagip lang ng mata mo sa tv, sino ba naman ang di magigitla noong sabado? libu-libong tao na umaasang giginhawa sa naturang programa, tulad ng napapanood mo araw-araw -- yaong tulad din ng marami nang kwento ng pagpila na inaabot ng oras, araw at buwan...yaong inaasahan mong nakangiti sa camera, babati at maluluha...pagbungad mo sa telebisyon, patay na at nakahandusay doon sa ultra.
"bakit" lang ang naitanong sa akin ng nanay ko, na huling nagbukas ng tv kaysa amin na alas-10 pa lang, nakatutok na sa pangyayari. ang inaasahang masayang palabas, napalitan ng mga balita ng pag-usisa, mga kwento sa trahedya, at paghingi ng paumanhin at pagbibigay ng pakikiramay ng programa, ng mga organizer, at ni willie. umiiyak siyang humarap sa mga tao, na sumisigaw pa ng "tuloy! tuloy!" at "wowowee! wowowee!" na para ngang walang nangyari.
sa tindi ng kahirapan, at sa libu-libong taong naroon sa ultra nang araw na iyon, maaaring ang kamatayan ay tulad na lang ng isang bulungang pumasok sa isang tenga at lumabas sa kabila. tinuruan na tayong maging manhid ng lipunan, kahit mismo nating pagdurusa at pagpanaw araw-araw -- tayo mang tagapanood lang o silang dumagsa sa ultra -- maaaring hindi na natin nararamdaman.
pero ang katotohanan, kaya nga sila naroon ay dahil tumitibok pa ang kanilang mga puso. umiiyak, tumutulo ang pawis at luha. kahit sa gitna ng sinag ng camera, hindi maikukubli ang gatla sa kanilang noo at ang marurumi nilang paa. mga totoong tao silang nakikita natin araw-araw pero sa tv lang natin napansin at nakikita nga nang malapitan. mga buhay na tao silang naghahanap din ng idudugtong pa sa buhay kahit araw-araw, sila'y unti-unting pinapatay.
ngayong may naganap na trahedya, saka sumasampal sa atin ang katotohanang lubog sa kahirapan ang mamamayan. dahil nauunawaan nga raw nila ito, kaya todo-habol ang show at ang istasyon sa pagtulong umano sa mga biktima, sa mga pamilya, at sa panalangin na tayo'y magdamayan sa panahong ito ng pagsubok ika nila. tatlong araw na, tuwing gigising ako sa umaga, maririnig ko sa tv ng kapitbahay ang piano background ng mga pagpapakita nila ng mga naging contestant at audience ng wowowee na masaya, tumatawa, bumabati, lumuluha sa ligaya. tumatama pa rin sa puso, pero nakakakilabot na.
ipagpapatuloy pa ba nila ang wowowee? kapag nga naman wala na sila, sino ang tutulong sa mahihirap? pero kaya pa ba nilang ituloy ang programa gayong dahil sa kanila, mayroong kulang sa isandaang pamilyang tumatangis dahil naulila? hindi ba sila mananagot dahil ang nais lang nila'y tumulong? hindi ba't ang katotohanan, silang nagsasalitang dumadamay at nagpapasaya, ay napansin ang mga mahirap na taong ito para gamitin sila sa kanilang programa, para sa ibayo ring kita? kapag may wowowee pa ulit na ipalabas matapos din ang lahat ng "serbisyo publiko" ngayon para sa mga biktima (na may mga special number pa ng awiting di mo malaman kung matutuwa ka o maiinsulto), hindi ko alam kung makikisabay pa rin ako sa panonood. baka tumulo lang ang luha ko.
kaysa lumuha, kaysa panoorin sila sa tv, tingnan natin ang mata ng kahirapan kung saan talaga sila naroon. hindi para bigyan sila ng biglang ginhawa, kundi wakasan na ang pagtungo nila sa landas ng kamatayan - kaharap ang mapanlinlang na kawanggawa - para sa magandang kinabukasang ang katotohanan, hindi nila sa game show makukuha.

Recent Comments