« February 2006 | Main | October 2006 »

Saturday, 16 September 2006

Divine Intervention

Dalawang kwento ito tungkol sa mga Kristiyano, at sa mga di-katotohanan (marahil) ng kanilang pagiging Kristiyano. Naikwento ko na ito sa ilang kaibigan, pero isusulat ko uli nang maibahagi sa mas marami -- hindi para manghusga ng paniniwala, kundi para magtanong sa kung ano ba talaga ang paniniwala sa tingin ng maraming taong tulad ng nasa mga susunod na kwento. At tanungin pa, kung ang mga sumusunod na pangyayari, para sa kanila, ay tunay na pagsasabuhay nga ng kanilang paniniwala.

 

Unang kwento: God bless you…

Nangyari ito kamakailan lang, nang pumila ako isang tanghali sa isang ATM ng isang bangko. Wala mang pera, nagbakasakali akong baka may kaunti pa akong makukuha ang aking account. Naabutan ko ang dalawang babaeng nasa 30 hanggang 40 anyos, nagkukuwentuhan habang nagwiwithdraw ng pera.

Pumila na ako kasunod ng lalaking kasunod nila. Ang lalaking kasunod ko na ang nasa harap ng ATM nang maalala nilang hindi pala sila nakakuha ng resibo. Ang sabi ng isa sa dalawang babae, “kunin na lang natin mamaya,” sadya yatang ipinarinig sa mga kasunod nila.

Pagkatapos ng lalaki, akmang aakyat na ako sa harap ng ATM nang unahan ako ng dalawa, para nga umano kumuha ng resibo. Nagulat ako, dahil wala man lang pasabi -- walang lingon, walang pakiusap, walang pakialam sa humahaba nang pila sa likod nila.

Di muna ako nagsalita, pero di ko maiwasang magmukhang naiinis dahil sa inasal nila. Napalingon ang isa sa dalawang babae, eksaktong masama ang tingin ko, at sinabing “galit ka yata miss?” Di na ako nakapagpigil. “Di man lang ho kasi kayo magsabi, nagmamadali rin ho kasi ako.”

Inasahan kong hihingi sila ng paumanhin, o kaya naman ay maiksing salitang “sandali lang…” pero ang sagot ng babae, “Kumuha lang kami ng resibo. Alam mo kasi, this is a very little thing to be so particular about!”

Doon na ako nainis nang tuluyan. Sumagot ako, “Sa inyo ho siguro, maliit kasi hindi kayo naperwisyo.

Sana man lang ho kasi magsabi kayo!” Eksaktong tapos na silang kumuha ng resibo at sa pakikipagtalo nang humarap sa akin ang ikalawang babae at sinabing, “O ayan Miss, tapos na…ikaw na, ikaw na!” habang inilalahad ang kamay sa harap ng ATM.

At hindi pa nagkasya sa pang-aasar, bago umalis ay humirit pa…

“Sige Miss ikaw na ha. GOD BLESS YOU!”

Sila itong walang konsiderasyon, nasabi ko na lang sa sarili. Hindi ko na nasabi, pero matapos ang insidente, paulit-ulit sa isip kong “Naniniwala rin ako sa Diyos, pero huwag ninyong iwasiwas ang paniniwala ninyo sa Diyos para ilusot ang kawalan ninyo ng konsiderasyon.”

 

Ikalawang kwento: Talking ‘bout Jesus revolution

Mas luma ang pangyayaring ito sa nauna, pero mas tumama sa akin.

 Papasok ako ng eskwela, may 40 piso na lang sa bulsa. Dumaan muna ako sa isang kainan para lamnan ang sikmura. Busog na ako sa 30 pesos na longsilog, di na lugi. Itinabi ko ang 10 piso para sa pamasahe, may sobra pa kasi apat na piso pa lang ang pamasahe noon.

Hinihintay ko ang aking order nang lumapit sa akin ang isang bata lalaking nagtitinda ng sampagita. Dahil hindi ko naman kayang bumili ng sampagita, naisip kong pasaluhin na lang siya sa pagkain. Humingi pa ako ng isang ekstrang kanin, may limang piso pa naman ako pang-dyip (apat na piso pa lang ang pamasahe noon).

Pinaupo ko ang bata sa tabi ko, at inilatag niya sa isang gilid ng mesa ang tindang sampagita. Paghain ng longsilog, hinati ko ang longganisa, ang itlog at ikinuha ang bata ng kutsara’t tinidor. “Hati na lang tayo ha? Iyan na lang ang kasya sa pera ko e.” Tumango naman ang bata, medyo nangingimi dahil masama ang tingin sa kanya ng mga tauhan ng kainan.

Nang matapos na kaming kumain, nagpasalamat na ang bata nang may halong kiming ngiti. Pareho na kaming gumagayak paalis, nang may dumating na limang estudyanteng babae. Nakakamiseta sila ng itim na may nakasulat sa harap na “Jesus Revolution Now!”

Umorder sila ng pagkain na pang-take out, nang lapitan sila ng bata para alukin ng sampagita. Inasahan kong tatanggihan lang nila ang bata nang mahinahon at mapagkaibigan (sa madaling salita, chummy). Nagulat na lang ako nang sabihan ng isa sa kanila ang bata, “bibili pa ako, e kumain ka na?”

Abala siguro sila sa rebolusyon ni Hesus tulad ng nakasulat sa kamiseta nila.