bright ideas
Sabi ni Andrew Matthews sa kanyang librong “Being Happy” (binasa ko ito noong hayskul, apat na beses yata, nang cover to cover pa), pansinin daw nating mas nakakapag-isip tayo kapag nasa paglalakbay sa loob ng sasakyan o kaya nama’y nakaupo sa inidoro sa loob ng kubeta. Bakit? Kasi doon daw sa mga lugar na iyon tayo pinaka-nakakapagrelax.
Totoo iyon sa praktika. Tulad ngayong habang sinusulat ko ito. Kaninang nasa jeep ako, higit yata sa tatlong blog ang naiisip kong isulat nang buo ang outline pati ang nilalaman. Ngayon, ito na lang ang kaya kong isulat. Siguro nga dahil dito, pinipilit ko nang i-type lahat ng naisip ko kanina. May pressure, hindi na relaxed.
Pero ayokong makupot lang sa Freudian mode na siyang point of reference ni Matthews (na noong hayskul, pamantayan ko sa buhay: kung gusto mong magbago, maniwala ka at mangyayari iyon). Maaaring sa mga lugar na iyon, makapag-isip ka ng mga “bright ideas,” pero hindi iyon mabubuo kung nasa loob ka lang ng dyip. At lalong hindi naman pwedeng inidoro lang ang kausapin mo hindi ba?
Nang tumuntong na ako ng kolehiyo at matuto ng mas maraming bagay, napatunayan kong ang mga greatest ideas ay mula sa aktwal na paggawa ng mga bagay. Sabi nga ng isang matandang makata, ang pinakamahusay na guro ay ang praktika. Tulad halimbawa ng lahat ng nauna kong blog entries. Hindi lang naman ako nag-imbento o nagmuni-muni sa jeep kaya mayroon akong naisulat. Naisip ko silang isulat, pero mula na iyon sa pagpoproseso ko ng lahat ng aking nakita, narinig at naramdaman.
At siyempre, higit sa lahat, hindi iyon magagawa ng walang paninindigan tungkol sa anumang bagay na nakita, narinig at naramdaman. Hindi ko nga maintindihan kung bakit hanggang ngayon, bumebenta pa rin iyong neutral na posisyon. O kaya iyong pagiging apulitikal. Maaaring hindi sila magsalita, pero iyong mismo ay pagtutol hindi ba? Pagtutol magsalita. At iyong kanilang hindi pagsasalita, ay pagdagdag doon sa mga hindi tumututol.
Ang masama, iyong mga nagsasabing wala silang pakialam, sila pa iyong maraming sinasabi. Ang masahol pa, ano ba ang ginagawa nila? Maraming tulad nila sa isang website na mabentang-mabenta (hindi ko nga rin maintindihan kung bakit). Iyong may tagline pang “where bright minds meet.” Kaya lang naman nila nasasabing “bright minds” ang nagmi-meet doon, kasi bitbit nila iyong prestihiyo (umano) na nasa loob sila ng isang institusyong pang-matalino daw.
Pero kung pag-uusapan ang talino, ewan ko kung masasabi ngang talino iyong habambuhay nilang pagdedebate, pagsasagutan, pag-debunk o pagtutulungan para mag-debunk ng maraming bagay sa mundo. Marami yata sa mga tao doon, gustong ipagyabang sa daigdig na maalam sila sa lahat ng teorya sa daigdig. E kung sabi ng matandang makata, praktika ang pinakamahusay na guro, saan nila kinukuha iyong mga pinagsasabi nila? Dalawa lang ang pagpipilian, sa jeep o sa kubeta?
Tigilan na nila iyong pagsasabing wala sila pakialam o wala silang stand. Kasi meron naman. Ganoon na lang nila pulaan ang maraming bagay, lalo na ang aktibismo, pero hindi naman nila masabi kung bakit. Ang masahol pa, walang tatalo sa kanila sa pagbabansag ng kung anu-ano. Anu-ano na nga ba ang itinawag nila? Dogmatic, old-fashioned, hindi na angkop sa panahon. Minsan ultimo si Satanas idinadamay.
Sabihin ninyo iyan sa lolo ninyong lumaban sa Hapon, pag hindi kayo binatukan o hinabol ng gulok. Hindi ba nila magets bakit laging sinasabi ng matatandang “grabe ang panahon ngayon, kumpara noon”? Kasi mas lalong sumasahol ang mga bagay sa mundo! Tapos sasabihin nilang lipas na ang pakikibaka. Anong gagawin natin, mag-chat? Iyong mga manggagawa, magsesend na lang ng message sa YM, “d2 n b u fac2ry? wer n sahod me?” O kaya iyong magsasaka, magtetext na lang sa panginoong maylupa…ay wala palang cell site sa kanila.
Marahil hindi ko rin kayang i-debunk ang mga sinasampalataya nilang post-structuralism, post-modernism o kung anu-ano pang post- na as if mayroong pre- bago ang mga iyon (haha, namimilosopo lang po, baka may mag-lecture pa). Pero sino ang nagsabi sa aking tama ang anumang pinaninindigan ko ngayon? Iyong praktika! Iyong praktikang di daw nila kailanman gagawin. Iyong katotohanang tinatalikuran nila araw-araw dahil mas gusto nilang magdebate habangbuhay sa harap ng computer.
Akala mo iyong mga pinupulaan nila, hindi nila nginingitian sa corridor, hindi kinakausap sa klase (kahit chika lang), o kaya naman hindi itinuturing na tao. Kaya naman nilang humarap ng tao, pero hindi nila kayang makipagtunggali bilang tao. Ang hindi nila alam, accessory sila sa dahas na siyang tanging lenggwahe ng estado.
Hindi ba nila alam, na kaya rin naging iskolar ng bayan ang tawag sa kanilang mga iskolar ng bayan daw, kasi nakilala ang mga nauna sa kanila bilang scholarly. At higit doon, hindi naman sila nagdebate lang sa loob ng klasrum. Hindi lang naman din dahil ginagastos nila ang pondo ng taumbayan ang dahilan bakit tinawag silang iskolar ng bayan. Dahil inilapat nila iyong pagiging iskolar sa mga tao, sa bayan. Iyong bayang kinakalimutan nila kapag sinusuong na nila ang kanilang mga teorya. Akala mo naman masukal, e heto nga ang magdadala sa kanila sa greener pastures. Kasi ito ang pinaniniwalaan ng sistema!
Hindi ako tutol sa paggamit ng teknolohiya (e di sana wala akong blog), pero karamihan yata sa mga naroon (lalo na iyong mga nagdedebate) ay computer na lang ang alam na daigdig. Siguro, kasi doon nakakapagtago sila sa kung anu-anong nickname habang nanlilibak ng mga aktibista. Hindi kaya nila naisip (o hindi kaya sila nahihiya), na iyong mga nililibak nila, araw-araw na nakikipaghabulan kay kamatayan, sa mga tunay na demonyo? Nagpapakilala sila nang buo ang pangalan at pagkatao. Naisip na kaya nila kung bakit itong mga taong ito, kahit sa dyip nakikipag-usap sa mga katabing hindi nila kilala para magpaliwanag?
Kung gusto nila ng pagbabago, tigilan nila ang pagbabalbal lang sa mga ideya. Sayang iyang mga bright ideas nila (kuno) na iyong mga nag-iinternet lang (at kayang magbayad ng internet) ang nakakabasa. Doon natin ipagpatuloy ang debate. Araw-araw kasi, buhay ang tunggalian hindi lang ng mga ideya kundi ng mga tao – hindi lang para magdebate kundi para mabuhay bilang tao.
Kung ang gusto naman nila sa buhay ay magbalbal na lang, sige bahala sila. Malaya naman daw silang gawin iyon dahil malaya daw tayo ngayon. E di sige, magbalbal sila sa kubeta. Kausapin nila ang inidoro, baka makipag-usap sa kanila. Pareho naman silang mababaw ang tubig. O kung mataas man, barado kasi…

Recent Comments