« PBB: Pinoy Big...Booboo? | Main | WAITING SHED »

Sunday, 10 June 2007

estudyante blues (hindi na makahinga)

Nakasalubong ko ang isang batchmate sa AS walk. Nagbabalik-eskwela daw siya ngayong taon, habang nagtatrabaho sa call center. Dahil kanina pa ako naglalakad nang mag-isa at walang kausap, sa kanya ko na naisipang itanong ang kanina ko pa pinagtatakhan. ”Bakit parang kaunti lamang ang nag-eenrol?” Kakatwa kasi ang maliit na bilang ng mga tao sa mga lobby, kainan at lalo sa enlistment rooms. ”Di kaya nakuha na nila agad ang mga subjects nila?”balik naman ng tanong niya sa akin. Pero huling araw na ng regular registration, at wala pang taon na hindi siksikan ang enrolment mula sa unang araw ng regular registration hanggang sa huling araw ng late registration. Sa mga araw ngang ito dapat dumadagsa na ang mga tao.

Lalong napatibay ang hinala ko nang makausap ko ang administrative staff sa isang kolehiyo. Aniya, sa kanilang mahigit 1,000 populasyon, 400 pa lang ang nagpapakita at nag-eenrol. At di ko rin naman inaasahan, na akin din namang ikinatuwa, na sinabi niyang ”parang private school na kasi ang UP.” Nahihirapan nga daw siyang magsulat ng assessment of fees (iyong halagang babayaran ng estudyante) dahil kung dati, P4,500 lang ang sinusulat niya para sa matrikula ng 15 units, ngayon P15,000 na (mula P300 patungong 1,000 per unit para sa freshman ang ginawang pagtataas).

Dahil dito, napatunayan kong kaunti talaga ang nag-eenrol, lalo na sa freshman. Malaking bilang umano ng mga pumasa sa UPCAT pero hindi talaga nag-enrol. Mayroong isang departamentong walang nag-enrol na freshmen (basahin: ZERO). Isa na nga lang ang pumasa sa kanila sa UPCAT (at marahil din kasi’y siya lang ang nag-exam, kung hindi man ilan lang sila, dahil hindi naman ”profitable” ang kurso), hindi pa nag-enrol. Mayroon namang dahil di nag-enrol ang mga pumasa, kaya ang tinanggap nila ay yaong nasa waiting list.

Sa loob-loob ko, e di hindi lang mahirap sa mga magulang na magsulat, mahirap din sa kanilang hanapin ang gayong halaga. Kahit para sa mga dating mag-aaral na hindi umano ”apektado” ng pagtataas, nakakagigil ang pagtataas na ito. Hindi lang isang beses na may nakausap akong estudyante sa high school na nagsabing ”e di hindi na kami talaga makakapag-aral sa UP?”

Isang kahibangan ang pagtataas ng matrikula. At ayoko mang sabihin, hibang din ang mga naniniwalang tama lang ang pagtataas ng matrikula. Nais nga nating paunlarin ang UP, walang problema doon, pero para kanino? Paanong mananatili ang UP bilang pamantasan ng bayan na nagbibigay ng edukasyon sa pinakamaraming bilang ng karapat-dapat kahit kapos na mga mag-aaral, kung ang iniisip nito sa mga nag-eenrol ay sino ang may bodyguard at malaking swimming pool sa kanilang mansyon nang masingil nila nang malaki?

Tuloy naaalala ko si Kulot (salot?), nagsasalita siya noon sa AS lobby, at sabi niya: ”Kaisa ninyo ako sa paglaban para sa mas mataas na budget.” nang panahong iyon, kahit kailan ay hindi niya sinabing ”pero magtataas na muna tayo ng matrikula kasi matagal pa iyon.”

Biglang tumunog ang cellphone ko (na maya-maya namamatay dahil may topak na), pinsan ko ang nagtext. Puro numero, nakakahilo. Halaga raw ng tuition niya. Sumagot ako, ”Tanungin mo kasi sa eskwelahan ninyo kung mayroon ba kayong student loan o financial assistance.”

Agad din siyang nag-reply, wala raw talaga. Third year na siya sa kursong Occupational Therapy sa isang pribadong eskwelahan sa Maynila. Araw-araw ko siyang kinukulit tungkol doon, dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siyang pambayad ng P10,000 matrikula nila upon enrolment. Hindi rin nakaligtas (lalo na) ang mga estudyante dito sa pagtataas ng matrikula. Mula P520 per unit, naging P580 per unit sila. Sa 23 units, nasa P1,200 din ang idadagdag nila sa kanilang budget. Dalawang linggo pang-pamasahe din iyon.

Napabuntunghininga na lang ako. Hindi ko na rin pwedeng sabihing mas mura nang kaunti sa UP, kasi doon P300 per unit lang, kaya ang P32,000 niya isang semestre, pwede nang pang-limang semestre sa UP. Ngayon, ang P20,000, pang-isang upuan mo lang sa isang klase, gaya ng malaking bilang ng mga pribadong eskwelahan sa Pilipinas.

Mapasiyudad o probinsya, ginto ang katumbas ng pagkakaroon ng edukasyon. Dadagdagan pa nila iyon ng ”de-kalidad.” De-kalidad ba kamo? Ilang eskwelahan ba ang dapat matagal nang nagsara dahil halos zero passing sila sa mga board exams (at isisisi pa sa estudyante dahil bobo daw sila), kahit libu-libo na ang ginastos makapag-enrol lang?

Nang sinabing edukasyon lamang ang yamang maipapamana ng mga magulang sa kanilang mga anak, ibig sabihin ba noon ay sasairin muna nila ang lahat ng yaman nila – mapa-lupa man iyan, pera o kalabaw – para matustusan ang libu-libong hinihingi ng mga eskwelahan? Mabuti kung merong ipong pera, lupa at kalabaw, paano kung wala, walang-wala?

Sabi nga ng tauhan sa Utos ng Hari, ni Jun Cruz Reyes: bakit ba nauso pa sa mundo ang diploma? Pero higit dito, ang tanong: bakit binibili ang diploma? Bakit mahal ang edukasyon? Bakit pribilehiyo lamang ito ng iilan?

Nasa atin ang sagot. ###

                            

Comments

Post a comment

Post a comment

Name:

You are currently signed in as .